‘Wagas kung maningil!’ 3 illegal 'parking attendants,' arestado sa Binondo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-16 18:41:54
DISYEMBRE 16, 2025 — Tatlong pekeng “parking attendants” ang nahuli ng Manila Police District–Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) matapos umanong maningil ng sobra-sobrang bayad sa mga motorista sa Binondo.
Sa ikinasang tatlong araw na operasyon, inaresto ang mga suspek sa Asuncion, Barangay 270, at sa kanto ng Madrid at Peña Rubia sa Barangay 272. Kinilala ang mga ito bilang si alias “Roger,” 47, isang barangay tanod na nakatira sa J. De Moriones Street; alias “Rolly,” 53, residente ng Madrid Street, San Nicolas; at alias “Joan,” 43, na umano’y kaalyado ni Roger.
Batay sa imbestigasyon, wala silang kaugnayan sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at ilegal na naniningil ng bayad sa mga motorista. Ang singil: ₱150 para sa mga pribadong sasakyan, at mula ₱300 hanggang ₱1,500 para sa malalaking trak na pumapasok sa Divisoria at Binondo.
Ang tatlong suspek ay kasalukuyang nakakulong sa MPD-SMaRT headquarters at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority and Official Functions.
Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng MPD-SMaRT, mabigat ang epekto ng sobra-sobrang singil lalo na sa mga negosyante at delivery drivers na nagdadala ng gulay at iba pang paninda sa Divisoria.
“We urge motorists to always ask for and verify the official ID of parking attendants before paying parking fees to avoid falling victim to this scheme. Do not hesitate to report suspicious activities to our office so we can take immediate action,” ani Samonte.
(Hinihikayat namin ang mga motorista na laging humingi at beripikahin ang opisyal na ID ng mga parking attendant bago magbayad ng parking fee upang maiwasang mabiktima ng ganitong modus. Huwag mag-atubiling i-report ang kahina-hinalang aktibidad sa aming opisina para agad naming maaksyunan.)
Kasunod ng utos ni Mayor Isko Moreno Domagoso na tapusin ang mga mapang-abusong koleksyon, tiniyak ng pulisya na pananagutin ang sinumang mahuhuli sa kaparehong gawain.
(Larawan: Philippine News Agency)
