Pamasahe ₱400? Netizen, nagreklamo sa umano’y overpricing ng tricycle fare sa Lucena City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 21:45:25
LUCENA CITY — Isang netizen ang naglabas ng sama ng loob sa social media matapos umano silang singilin ng ₱400 ng isang tricycle driver mula Metro Junction hanggang Dalahican, sa Lucena City.
Sa kanyang post, ipinahayag ng netizen ang pagkadismaya sa umano’y sobrang taas ng singil sa pamasahe. “Shout out sa lalaking nasakyan namin mula Metro hanggang Dalahican — sana ikayaman mo ‘yung ₱400 na siningil mo sa amin!” ani niya.
Maraming netizens ang agad na nakisimpatya sa reklamo, at ilan ay nagkomento na tila labis nga ang naturang pamasahe kumpara sa karaniwang singil ng mga tricycle sa lungsod. May ilan ding nanawagan sa Lucena City Tricycle Regulatory Board (LCTRB) na imbestigahan ang insidente at mas paigtingin ang fare monitoring upang maiwasan ang pananamantala sa mga pasahero, lalo na sa mga hindi taga-lugar.
Sa ilalim ng mga umiiral na regulasyon ng lungsod, may itinakdang standard fare matrix ang mga tricycle depende sa layo ng biyahe. Pinapaalalahanan ang mga driver na sundin ang itinakdang pamasahe at magpakita ng resibo o fare matrix kung hihilingin ng pasahero.
Samantala, wala pang pahayag ang lokal na pamahalaan o ang kinauukulang opisina hinggil sa reklamo. (Larawan: Jonalyn Saveron David / Facebook)