Doh nilinaw: pagtaas ng flu-like illnesses ay bahagi ng pana-panahong sakit, hindi outbreak
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-13 22:51:48
MANILA — Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng trangkaso o influenza sa bansa sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng flu-like illnesses, partikular sa mga paaralan na kamakailan ay pansamantalang nagsuspinde ng face-to-face classes dahil din sa mga nagdaang lindol.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang pagdami ng mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) ay inaasahan tuwing ganitong panahon ng taon at hindi dapat ikabahala ng publiko.
“Ang outbreak ay isang biglaang pagtaas ng kaso sa isang partikular na lugar o rehiyon na lumalampas sa karaniwang bilang sa panahong iyon,” paliwanag ni Herbosa sa isang Facebook post.
Dagdag pa niya, ang isang tunay na outbreak ay karaniwang may mabilis na pagkalat ng virus na nakaaapekto sa malaking bilang ng tao sa maikling panahon at tumatawid sa iba’t ibang pangkat ng edad at komunidad.
Batay sa datos ng Epidemiology Bureau ng DOH, umabot sa 9,649 ang naiulat na kaso ng flu-like illnesses sa bansa mula Agosto 31 hanggang Setyembre 13, mas mataas ng 17 porsiyento kumpara sa mga kasong naitala dalawang linggo bago nito.
Gayunman, sinabi ng ulat na ang pagtaas na ito ay “sumusunod sa karaniwang trend ng panahon.” Hanggang Setyembre 27, may kabuuang 121,716 kaso ng ILI ang naitala ngayong taon — mas mababa kaysa sa 132,538 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa ilang pribadong ospital, tumaas ng 5 hanggang 10 porsiyento ang bilang ng mga pasyente na may sintomas ng flu-like illness, ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc.
“Inaasahan talaga ang pagtaas ng viral infections tuwing ikatlong quarter ng taon. Karaniwan itong mga trangkaso o flu-like illnesses, at posibleng pinalala pa ng pabagu-bagong panahon,” ani de Grano sa isang mensahe sa Viber.
Ibinahagi rin ni de Grano na karamihan sa mga bagong admission ay mga batang pasyente.
Para naman kay Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert, ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi dapat ikabahala dahil inaasahan ang clustering ng mga kaso ng flu-like illnesses mula Setyembre hanggang unang bahagi ng Enero bawat taon.
Noong Linggo, inilabas ng Department of Education–National Capital Region (DepEd-NCR) ang abiso hinggil sa pagtaas ng kaso ng influenza-like illnesses sa mga guro, magulang, at estudyante.
Bunsod nito, sinuspinde muna ang mga face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa NCR, at ipinag-utos ang paggamit ng mga alternative delivery modes tulad ng online at modular learning.
Ayon naman kay DOH spokesperson Albert Domingo, tama lamang ang hakbang ng mga lokal at institusyonal na awtoridad na magpatupad ng preventive measures laban sa influenza-like illnesses.
“Bagama’t may pagtaas ng kaso, nananatili itong mas mababa kumpara noong nakaraang taon,” ani Domingo.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay, iwasang pumasok kung may lagnat o ubo, at magpabakuna laban sa trangkaso lalo na para sa mga senior citizen, bata, at may mahinang immune system.