Panukala ni Tulfo kontra 'license for rent', isinusulong sa Senado
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-13 17:59:21
OKTUBRE 13, 2025 — Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na layong gawing krimen ang “license for rent” sa mga proyekto ng gobyerno — isang sistemang lumutang sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng kontrobersyal na flood control scam.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1453 o “License Integrity Act,” papatawan ng mabigat na parusa ang sinumang magpapahiram, hihiram, o gagamit ng lisensya sa mapanlinlang na paraan. Maaaring makulong ng hindi bababa sa tatlong taon at hindi hihigit sa labindalawa, bukod pa sa multang mula ₱300,000 hanggang ₱3 milyon.
Saklaw ng panukala ang mga lisensyang ibinibigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Customs (BOC), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Hindi rin ligtas ang mga opisyal ng gobyerno na magpapalabas ng lisensya sa mga aplikanteng hindi kwalipikado — maaari silang managot sa ilalim ng batas.
“‘These privileges have often been misused and abused. A disturbing practice has emerged where grantees lend, lease, sell, or otherwise allow third parties to unlawfully use their licenses, while others fraudulently obtain or misrepresent such privileges to cloak illegitimate transactions under the guise of legality,’” pahayag ni Tulfo.
(Madalas nang inaabuso ang mga pribilehiyong ito. Nakababahala ang kalakaran kung saan ipinapahiram, inuupahan, ibinebenta, o ginagamit ng iba ang lisensya sa ilegal na paraan, habang ang ilan ay mapanlinlang na kumukuha o nagpapanggap para pagtakpan ang mga transaksiyong hindi lehitimo.)
Lumabas sa mga pagdinig ng Senado na may mga kompanyang dummy na gumagamit ng lisensya ng ibang kontratista para makapasok sa proyekto, habang hindi sila ang aktwal na gumagawa ng konstruksyon. May indikasyon rin ng sabwatan sa ilang tauhan ng DPWH.
Dagdag ni Tulfo, layunin ng panukala na ibalik ang kredibilidad ng mga lisensyang ibinibigay ng pamahalaan, palakasin ang pananagutan, at wakasan ang mga abusong nagpapahina sa tiwala ng publiko.
“‘This affirms the nature of licenses and permits as personal, non-transferable privileges subject to the continuing oversight of the state,’” giit ng senador.
(Pinagtitibay nito na ang mga lisensya at permit ay personal at hindi maaaring ipasa sa iba, at dapat ay patuloy na binabantayan ng estado.)
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)