Dalawang content creator, tinutugis dahil sa fake news laban kay Sen. Sotto
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-13 22:20:28
MANILA — Ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tinutugis na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang dalawang content creator na umano’y nasa likod ng pagpapakalat ng fake news laban sa kanya sa social media.
Ayon kay Sotto, nagsimula ang isyu matapos kumalat sa mga social media platforms noong Oktubre 10 ang mga post na nagsasabing siya umano ang nagpanukala ng bagong buwis o tax measures — bagay na mariin niyang itinanggi.
“May mga bagong [suspek] na hinahanap din ngayon. Dalawa sa kanila ang tinutugis ng DICT, pero may iba pang target sa operasyon laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita,” pahayag ni Sotto sa isang text message nitong Lunes.
Binatikos ng Senate President ang umano’y “malawak at magkakaugnay na kampanya” ng mga post online na nagpapakalat ng walang basehang alegasyon laban sa kanya.
“Sa loob ng 24 taon ko sa Senado, kailanman ay hindi ako nagpanukala ng anumang tax measure. Sa katunayan, palagi akong bumoboto laban dito. Para sa mga nagpapakalat ng fake news, ipagdarasal ko kayo,” ani pa ni Sotto.
Dagdag pa niya, mahalagang maging maingat ang publiko sa mga impormasyon na nakikita sa internet at huwag basta-bastang maniwala sa mga post na walang malinaw na pinagmulan o kumpirmadong datos.
Ipinunto rin ng Senate leader na ginagawa ng pamahalaan, sa pangunguna ng DICT, ang hakbang para papanagutin ang mga indibidwal na sadyang gumagawa ng pekeng balita upang manira ng reputasyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng dalawang content creator na umano’y responsable sa mga kumalat na maling impormasyon.
Nanawagan si Sotto sa mga netizen na gamitin ang social media nang responsable at suportahan ang kampanya laban sa disinformation at fake news na nagpapahina umano sa kredibilidad ng mga institusyon ng pamahalaan.