Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena, pinarangalan ng CHED Region IV sa 2025 ‘Gawad Parangal’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-04 00:54:12 Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena, pinarangalan ng CHED Region IV sa 2025 ‘Gawad Parangal’

LUCENA CITY — Isang malaking karangalan ang natamo ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena (DLL) matapos itong kilalanin bilang Bronze Awardee sa ginanap na 2025 Gawad Parangal ng Commission on Higher Education (CHED) Region IV.

Ang nasabing pagkilala ay iginawad sa ilalim ng UniFAST Outstanding UAQTE 501 & Up Grantees Category, na nagbibigay-diin sa mga institusyong patuloy na nagsusulong ng dekalidad at abot-kayang edukasyon para sa kanilang mga mag-aaral.

Itinuturing ng pamunuan ng DLL ang parangal bilang patunay ng kanilang walang sawang pagsusumikap na magbigay ng mahusay na programang pang-akademiko, suporta sa mga mag-aaral, at oportunidad na magagamit ng mga kabataang Lucenahin upang maabot ang kanilang mga pangarap.

Para sa administrasyon at mga guro ng DLL, ang parangal mula sa CHED ay hindi lamang pagkilala, kundi hamon na ipagpatuloy at lalo pang paigtingin ang kanilang misyon bilang pangunahing tagapaghatid ng edukasyon sa lungsod.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga mag-aaral sa kanilang paaralan sa pagbibigay ng oportunidad at pagbubukas ng mas maraming pinto tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.

Ang tagumpay na ito ng DLL ay sumasalamin sa mas malawak na mithiin ng pamahalaang lungsod at ng CHED—na tiyakin na ang bawat Pilipino ay may pantay na akses sa edukasyon, anuman ang kanilang estado sa buhay. (Larawan: Mayor Mark / Facebook)