Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

400 na bahay, nilamon ng apoy sa malawakang sunog sa Davao City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-04 00:49:40 400 na bahay, nilamon ng apoy sa malawakang sunog sa Davao City

DAVAO CITY Tinatayang nasa 400 kabahayan ang naabo matapos ang isang malawakang sunog na sumiklab sa Barangay 21-C, Piapi Boulevard, nitong Huwebes, Oktubre 2.

Ayon kay Lance Duterte, apo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagsimula ang sunog habang abala ang malaking bahagi ng Davao City Central 911 sa pagtugon sa mga biktima ng lindol sa Cebu. Dahil dito, naging limitado ang agarang responde sa insidente.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng mabilis na paglaki ng apoy ay ang makikitid na daan at masisikip na kabahayan sa lugar. Dahil dito, nahirapan ang mga fire truck na agad makapasok at apulahin ang apoy. “Malapit ito sa may Coastal Road, nasa 400 na bahay ang nasunog. Di agad napatay ang apoy kasi maraming kabahayan at maliit ang daan kaya di halos makapasok ang mga fire trucks,” pahayag ni Duterte sa kanyang Facebook post.

Sa kabila ng trahedya, tiniyak niya na may nakahandang tulong ang pamahalaang lungsod para sa lahat ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog. Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng mga lokal na opisyal upang masiguro ang agarang pagbibigay ng pagkain, pansamantalang tirahan, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog. Wala namang napaulat na nasawi ngunit daan-daang residente ang nawalan ng tirahan.

“Kaya natin ito, laban lang!” panawagan ni Duterte, kasabay ng pagbibigay pag-asa sa mga biktimang ngayon ay humaharap sa panibagong pagsubok. (Larawan: Guill Naidz / Facebook)