Babae, patay matapos magulungan ng dump truck sa Biñan, Laguna
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-04 00:13:58
BIÑAN CITY, LAGUNA — Trahedya ang sinapit ng isang babae matapos siyang magulungan ng dump truck at mamatay on the spot sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Canlalay, nitong Biyernes, Oktubre 3.
Batay sa paunang ulat ng Biñan City Police, sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang isang alyas “Jessa” na siyang nagmamaneho. Habang binabaybay nila ang highway, bigla umanong huminto ang isang pampasaherong jeep sa kanilang unahan. Dahil dito, sinubukan ng driver ng motorsiklo na magpreno, subalit nawalan ito ng kontrol bunsod ng madulas na kalsada.
Sa lakas ng pagkakabagsak, tumilapon ang driver at ang angkas. Minalas na ang babae, na sakay rin ng motorsiklo, ay bumulagta mismo sa harapan ng paparating na dump truck. Hindi na siya nakaiwas nang magulungan at maipit ng malaking sasakyan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Ayon kay P/Lt. Col. Reginald Bisaya, hepe ng Biñan City Police, agad na tumakas ang driver ng dump truck matapos ang insidente at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Patuloy ding iniimbestigahan ang pangyayari upang matukoy ang eksaktong sanhi at pananagutan ng mga sangkot. (Larawan: iStock / Google)