Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Ramon Tulfo, dumepensa kay Sen. Erwin Tulfo sa “bend the law” remark

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-24 19:04:12 Ramon Tulfo, dumepensa kay Sen. Erwin Tulfo sa “bend the law” remark

Setyembre 24, 2025 – Dumipensa si beteranong broadcaster na si Ramon Tulfo sa kanyang nakababatang kapatid na si Senador Erwin Tulfo matapos itong makatanggap ng kaliwa’t kanang batikos kaugnay ng kontrobersyal na pahayag nito na dapat umanong “baluktutin ang batas para ikalugod ng taumbayan.”


Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Ramon Tulfo na hindi literal ang nais iparating ng senador at nagkataon lamang na “mali ang pagpili ng salita” sa gitna ng talakayan. Giit niya, ang tinutukoy lamang ng senador ay ang kahalagahan ng pagbabalik ng nakaw na pera bago bigyan ng pribilehiyong makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ang sinumang suspek.


“Katulad ni Justice Secretary Boying Remulla, nais lamang ipunto ni Senador Erwin na dapat munang isauli ang perang ninakaw ng mga nasasangkot bago sila makonsiderang state witness,” paliwanag ng broadcaster.


Isa sa mga tinukoy na halimbawa ng magkapatid ay ang kaso ng pamilyang Discaya, na nasasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian. Ayon sa posisyon ng magkabilang panig, hindi dapat makinabang ang mga akusado mula sa proteksiyong ibinibigay ng WPP nang hindi muna naibabalik ang pera ng bayan.


Gayunpaman, hindi napigilan ng pahayag ng senador ang pagkadismaya ng ilang kritiko, na nagsabing delikado para sa isang mambabatas ang paggamit ng terminong “bend the law” dahil maari itong magbigay ng impresyon na pinapahintulutan ang paglabag sa batas para lamang sa popularidad.


Bilang tugon, iginiit ni Ramon Tulfo na malinaw ang intensyon ng kanyang kapatid at hindi ito lumilihis sa prinsipyo ng batas, kundi itinataguyod lamang ang katarungan sa pamamagitan ng pagbabalik ng nakaw na pondo bago ipagkaloob ang anumang pabor mula sa estado.


Samantala, nagpapatuloy pa rin ang diskusyon sa publiko at sa social media hinggil sa nasabing isyu. May mga sumasang-ayon sa posisyon ng senador na dapat unahin ang interes ng taumbayan, habang ang iba naman ay naniniwalang mas nararapat na mag-ingat ang mga mambabatas sa pagbibitaw ng pahayag na maaaring maunawaan ng publiko sa maling paraan.