Bakanteng condos, sinisilip na gawing retirement homes — COF
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-10 20:22:49
DISYEMBRE 10, 2025 — Pinag-aaralan ng ilang ahensya ng pamahalaan ang posibilidad na gawing tahanan para sa mga retiradong Pilipino ang mga bakanteng condominium units sa bansa. Ayon sa Commission on Overseas Filipinos (COF), nakikipag-ugnayan na ang Philippine Retirement Authority sa malalaking property developers upang talakayin ang conversion ng mga sobrang unit tungo sa independent living at assisted living facilities.
“Noong nag-uusap po kami ng Philippine Retirement Authority, napuna nila na marami tayong mga sobrang condominium dito sa atin and I think they are talking to several large developers kung paano nila macoconvert yung iba doon to independent living or assisted living [units],” pahayag ni COF chairperson Dante “Clink” Ang II.
Dagdag pa ni Ang, dumarami ang mga dating migrante na nais magbalik sa Pilipinas upang dito magretiro.
“Kasi marami ang tumitingin dito para magretire … ‘Yung mga umalis noong dekada 80, they are at that stage na po,” aniya sa isang panayam.
Batay sa datos ng mga real estate consultant noong nakaraang taon, may tinatayang 29 buwan na oversupply ng condominium units sa Metro Manila. Ang sobrang bilang ng bakanteng unit ay iniuugnay sa mataas na interes sa housing loans at sa lumalaking hilig ng mga mamimili sa single-detached houses.
Bukod dito, lumobo rin ang bilang ng mga bakanteng unit matapos ipatupad ng administrasyong Marcos Jr. ang total ban sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), na dati’y pangunahing gumagamit ng mga condominium bilang tirahan ng kanilang mga manggagawa.
Samantala, binabantayan din ng COF ang trend ng migrasyon ng mga Pilipino.
Ayon kay Ang, “Before the pandemic, bumababa na talaga yung number of Filipinos migrating abroad, but hindi pa tapos yung 2025 may kaunting uptick.”
Inaasahan umano na maaaring bumalik sa dating antas ng migrasyon noong 2016 na nasa 70,000 hanggang 80,000 kada taon.
(Larawan: Philippine News Agency)
