Diskurso PH
Translate the website into your language:

RSAP Chairman Col. Bosita, pinaiimbestigahan sa LTO ang isang rider na nanuntok ng babaeng rider

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-18 22:50:39 RSAP Chairman Col. Bosita, pinaiimbestigahan sa LTO ang isang rider na nanuntok ng babaeng rider

DISYEMBRE 18, 2025 Nanawagan sa Land Transportation Office (LTO) ang isang grupo ng road safety advocates upang agarang imbestigahan at papanagutin ang isang motorcycle rider na umano’y nanakit ng isang babaeng rider na naghihintay lamang ng booking, base sa kumalat na video sa social media.

Sa isang pahayag na ipinaabot kay LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, Chief ng ahensya, sinabi ng isang concerned citizen na malinaw umanong makikita sa video ang pagiging agresibo ng naturang rider. Ayon sa saksi, “malakas ang trip, nanuntok ng lady rider na nag-aantay lang ng booking,” bagay na agad umani ng batikos mula sa netizens.

Dagdag pa ng concerned citizen, huminto pa umano ang tricycle na kanyang sinasakyan upang sawayin ang rider, subalit maging ang matandang driver ay hinarap at hinamon din nito. “Dapat sa ganito, hindi pinagdadrive ng motor,” aniya, sabay iginiit na delikado sa publiko ang mga rider na may mainit na ulo at walang disiplina sa sarili.

Ayon kay Col. Bonifacio Laqui Bosita (Ret.), Chairman ng Road Safety Advocates of the Philippines, ang insidente ay nagpapakita ng seryosong kakulangan sa disiplina at road courtesy. Aniya, kung pababayaan ang ganitong asal, maaari itong mauwi sa mas malalang karahasan at panganib hindi lamang sa biktima kundi sa iba pang gumagamit ng kalsada.

Binigyang-diin din ni Bosita ang kahalagahan ng video na inilabas ng concerned citizen, na nagsilbing mahalagang ebidensiya upang mapigilan ang patuloy na masamang asal ng rider. “Kung hindi dahil sa may mabuting loob na nagrekord at nagbahagi ng video, maaaring hindi ito mapansin at mapanagot,” aniya. Umaasa ang grupo na sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng LTO, ang insidente ay masusing maiimbestigahan at ang rider, kung mapatunayang nagkasala, ay mapapatawan ng nararapat na parusa alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon sa trapiko. (Larawan: RSAP/ Facebook)