Sarah Discaya, Rimando arestado kaugnay ng ghost flood control
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-19 07:38:05
MANILA — Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontraktor na si Sarah Discaya at si Ma. Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction Corporation kaugnay sa P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental. Kinumpirma ng NBI na isinilbi ang warrant of arrest laban sa kanila matapos maghain ng kaso ang Office of the Ombudsman sa korte.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari, si Discaya ay dinala sa NBI custodial facility sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City matapos sumuko noong Disyembre 9 bilang paghahanda sa inaasahang warrant. “She will be transferred there on Thursday night, too,” ani Mallari.
Kasama sa mga kinasuhan sina Rimando at ilang opisyal ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office, na nahaharap sa graft at malversation charges. Ang malversation of public funds ay non-bailable offense, habang ang kasong graft ay may piyansang ₱90,000.
Sa isang video message, kinumpirma ni President Ferdinand Marcos Jr. na naglabas na ng warrant ang korte laban sa sampung pangunahing akusado. “Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa sampung pangunahing sangkot dito sa anomalyang ito…. Simula lang po ito, at patuloy naming iimbestigahan at kakasuhan lahat po nang may kinalaman sa mga eskandalo na nakikita natin sa mga flood control projects,” pahayag ng Pangulo.
Batay sa imbestigasyon, ang flood control project na nagkakahalaga ng ₱96.5 milyon ay hindi natapos at walang aktuwal na implementasyon, dahilan upang tawagin itong “ghost project.” Ang Ombudsman ay naghain ng kaso laban sa mga sangkot matapos matukoy ang iregularidad sa pondo.
Sa mga kuha ng media, makikitang naka-detine si Discaya na nakasuot ng dilaw na NBI detainee shirt habang kinukunan ng fingerprint at sumasailalim sa medical examination.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI at Ombudsman upang matukoy ang lawak ng anomalya at ang iba pang posibleng sangkot sa kontrobersyal na flood control project.
Larawan mula kay John Consulta/Facebook
