Marcos inutos ang 120-day claims extension sa PhilHealth
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-17 16:31:36
December 17, 2025 — Inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PhilHealth na palawigin sa 120 araw ang panahon ng paghahain ng hospital claims, matapos punahin ng Commission on Audit (COA) ang higit ₱1 bilyong hindi pa nababayarang claims ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ang desisyon ay ginawa matapos lumabas sa ulat ng COA na may higit ₱1 bilyong halaga ng return-to-hospital (RTH) claims at iba pang reimbursements na hindi agad nabayaran ng DOH at PhilHealth.
“Dahil dito po ay ipinag-utos din po ng Pangulo na i-extend po ang maaaring period para makapag-claim ang ibang ospital. Na-extend po ito up to 120 days, ito po iyong tinatawag na Claim’s Flexibility at dahil dito po ay natutugunan po ng DOH, ng PhilHealth ang kanilang mga obligasyon,” ani Castro.
Sa press briefing, binigyang-diin ng Malacañang na layunin ng extension na bigyan ng mas mahabang panahon ang mga ospital upang makumpleto ang dokumentasyon at maiwasan ang pagka-deny ng claims. “Pinag-utos din po ng Pangulo na i-extend ang maaaring period para makapag-claim ang ibang ospital… na-extend po ito up to 120 days,” dagdag ni Castro.
Ang hakbang ay nakikitang tugon sa mga reklamo ng mga ospital na nahihirapang makasingil sa PhilHealth dahil sa mahigpit na deadlines at kumplikadong requirements. Sa pamamagitan ng claims flexibility, inaasahang mas maraming health facilities ang makakabawi sa kanilang mga denied claims at mababawasan ang backlog sa pagbabayad.
Sa ulat ng COA, lumabas na ang DOH ay may hindi pa nababayarang claims na umabot sa mahigit ₱1 bilyon, bagay na nagdulot ng pangamba sa financial viability ng ilang ospital. Ang extension ay nakikitang pansamantalang solusyon upang mapagaan ang epekto ng delayed reimbursements sa operasyon ng mga health facilities.
Patuloy namang nananawagan ang mga health groups ng mas sistematikong reporma sa PhilHealth claims processing, kabilang ang digitalization ng sistema, mas malinaw na guidelines, at mas mabilis na pagresolba sa mga disputed claims.
