Babala sa Bagong Taon: Plastik na torotot wag isubo, delikado sa mga bata
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-17 12:53:03
December 17, 2025 — Nagbabala ang mga health at environmental groups laban sa paggamit ng plastik na torotot ngayong holiday season, dahil maaari itong maglaman ng mga kemikal na mapanganib sa kalusugan, lalo na sa mga bata.
Ayon sa BAN Toxics, isang environmental watchdog, nakabili sila ng 12 sample ng makukulay na plastik na torotot mula sa mga tindero sa Baclaran, Pasay City, at Divisoria sa Maynila. Ang presyo ay mula ₱15 hanggang ₱40.
Sa pagsusuri gamit ang Vanta XRF Chemical Analyzer, lumabas na ang ilang torotot ay nagpositibo sa lead na umaabot sa 980 parts per million (ppm). Ang lead ay isang kilalang neurotoxin na maaaring makaapekto sa brain development ng mga bata.
“While torotot are often promoted as a safer alternative to firecrackers, the group emphasized the need for the public to be aware that plastic hornpipes may contain harmful chemicals and urged parents and caregivers to closely supervise children while using and playing with them,” ayon sa pahayag ng BAN Toxics.
Dagdag pa ng grupo, bukod sa lead, maaari ring maglaman ng mercury ang ilang torotot, na parehong nakalalason at maaaring magdulot ng pangmatagalang pinsala sa kalusugan. Kaya’t mariin nilang ipinapayo na huwag hayaang isubo ng mga bata ang torotot at tiyaking ligtas ang mga laruan na binibili.
Samantala, nanawagan din ang Department of Health (DOH) sa publiko na pumili ng mas ligtas na paraan ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Sa kanilang kampanyang Ligtas Christmas, sinabi ni Dr. Fritzi Ann Suzette Jeroso-Dequito ng DOH Region 6: “The public can still enjoy the holiday season with a safe and healthy body.”
Dagdag pa niya, dapat iwasan ang mga mapanganib na paputok at gumamit ng alternatibong kasangkapan gaya ng torotot, ngunit tiyaking ito ay ligtas at hindi nakalalason.
Sa kabila ng pagiging mas ligtas na alternatibo sa paputok, nananatiling hamon ang kalidad ng mga torotot na ibinebenta sa merkado. Kaya’t pinaalalahanan ng mga eksperto ang mga magulang na maging mapanuri sa pagbili ng mga laruan at siguraduhing sumusunod ang mga ito sa toy safety standards.
Ang plastik na torotot ay bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino tuwing Bagong Taon, ngunit ngayong 2025, muling binigyang-diin ng mga awtoridad at environmental groups na ang kaligtasan ng mga bata ang dapat unahin.
