Marcos, pinangunahan ang partial reopening ng San Juanico Bridge; full rehab, target sa 2026
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-13 13:22:58
DISYEMBRE 13, 2025 — Muling binuksan sa two-way traffic ang San Juanico Bridge matapos ang ilang buwang pagkakasara, ngunit limitado pa rin sa mga sasakyang may bigat na hanggang 15 tonelada. Sa inspeksiyon nitong Disyembre 12, iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matatapos ang kumpletong rehabilitasyon ng tulay sa susunod na taon, na magbabalik ng buong kapasidad na 33 tonelada.
Ayon sa mga inhinyero, nauna sa iskedyul ang kritikal na reinforcement at shoring works, dahilan upang makatawid muli ang mga truck na dati’y napilitang gumamit ng Ro-Ro ports.
“Mabuti naman medyo napabilis ang trabaho, at ngayon puwede na natin buksan ito for 15 tons na truck,” pahayag ng Pangulo.
Ang pansamantalang pagbubukas ay nakikitang malaking ginhawa para sa Samar at Leyte, na matagal nang naapektuhan ng emergency closure dahil sa matinding kalawang, nawawalang bolts at pins, at dekadang kapabayaan sa maintenance.
“We are hoping for the total return of the bridge’s function … by the third quarter of next year,” dagdag ni Marcos.
(Umaasa kami sa ganap na pagbabalik ng tulay sa ikatlong quarter ng susunod na taon)
Binanggit ng Pangulo na umabot sa P1.1 bilyon ang ginastos sa retrofit — halagang aniya’y maiiwasan sana kung naalagaan nang tama ang tulay.
“The retrofit costs us P1.1 billion. That is money that we could have saved if proper maintenance had been carried out on San Juanico,” giit niya.
(Umabot sa P1.1 bilyon ang retrofit, pera na sana’y natipid kung maayos ang maintenance.)
Dagdag pa niya, “Kung saan-saan napunta, kaya’t hindi na nag-inspeksyon, kaya tayo nagkaganito.”
Mariin niyang ipinaalala sa mga ahensiya na ang regular na pangangalaga ang dapat maging pamantayan, hindi ang magastos na rehabilitasyon.
Ibinunyag din ng Pangulo ang suhestiyon ng Tacloban City officials na payagan ang mas mabibigat na truck na tumawid ng one-way tuwing gabi.
“Pag one way na lang, kahit 30 tons kayang tumawid, pero one way lang,” paliwanag niya.
Ang koordinasyon ng mga LGU sa magkabilang panig ng tulay ang magtatakda ng daloy ng trapiko kung aprubahan ang plano.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi lamang biyahe ang naapektuhan ng pagsasara kundi pati kalakalan, supply ng pagkain, at operasyon ng mga negosyo.
“Ang laking sagabal sa commerce … the effect of that is much, much bigger than just the bridge,” aniya.
Pinuri ng Pangulo ang mga inhinyero at tauhan ng DPWH sa mabilis na pagkatapos ng retrofitting. Ang San Juanico Bridge, na itinayo noong 1969 at binuksan noong 1973, ay nananatiling pinakamahabang tulay na tumatawid sa ibabaw tubig sa bansa, at nagsisilbing pangunahing ugat ng transportasyon at kalakalan sa pagitan ng Samar at Leyte.
(Larawan: PCO - Presidential Communications Office)
