Taal, nagbuga ng 1.2-km usok sa isang phreatomagmatic eruption
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 08:37:43
OKTUBRE 26, 2025 — Nagbuga ng makapal na usok ang Bulkang Taal nitong Sabado ng hapon, Oktubre 25, matapos ang isang phreatomagmatic eruption sa pangunahing bunganga nito, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa ahensya, bandang alas-5:30 ng hapon nang maganap ang pagsabog na nagresulta sa pag-akyat ng usok na may taas na 1,200 metro mula sa bunganga. Nakunan ito ng Main Crater IP Camera at mga thermal camera ng Phivolcs.
Ang ganitong uri ng pagsabog ay nangyayari kapag ang magma ay nakasalamuha ng tubig, na nagdudulot ng eksplosibong reaksyon.
“Phreatomagmatic eruptions are caused by the interaction of magma and water,” paliwanag ng Phivolcs sa kanilang advisory.
(Ang mga phreatomagmatic eruption ay dulot ng pagsasanib ng magma at tubig.)
Sa kabila ng insidente, nananatili sa Alert Level 1 ang status ng Bulkang Taal. Ibig sabihin nito, may mababang antas ng pag-aalburuto ngunit hindi dapat ipagwalang-bahala.
Ayon sa Phivolcs, “Alert Level 1 means the volcano is in an abnormal condition and should not be interpreted to have ceased unrest nor ceased the threat of eruptive activity.”
(Ang Alert Level 1 ay nangangahulugang may abnormal na kondisyon ang bulkan at hindi ito dapat ituring na humupa na ang aktibidad o banta ng pagsabog.)
Bilang pag-iingat, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at sa tinatawag na Permanent Danger Zone (PDZ). Posibleng panganib pa rin ang biglaang pagsabog ng singaw, pagyanig, pag-ulan ng abo, at nakalalasong gas mula sa bulkan.
Wala pang naitalang pinsala o paglikas sa mga kalapit na komunidad, ngunit pinayuhan ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng Phivolcs.
(Larawan: PHIVOLCS)
