Posibleng pagbabalik ni Lacson sa blue ribbon, banta umano sa liderato ng Senado; Cayetano, pumalag din
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-21 09:23:20
OKTUBRE 21, 2025 — Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na ang muling pagtanggap sa pamumuno ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ay maaaring magdulot ng pagguho sa kasalukuyang balanse ng kapangyarihan sa Senado.
Ayon kay Lacson, mismong si Senate President Vicente Sotto III ang nagmungkahi ng pagbabalik niya sa BRC, ngunit agad niyang ipinaalala ang posibleng kapalit nito.
"I have actually discussed this scenario with SP Sotto when he broached the idea of giving back the BRC chairmanship to me — that if I am elected again to head the committee, we should be ready for any and all consequences of my actions and decisions including losing some members of the majority bloc and consequently, his Senate Presidency," ani Lacson.
(Napag-usapan na namin ito ni SP Sotto nang banggitin niya ang ideya na ibalik sa akin ang pamumuno ng BRC — na kung ako'y muling mahalal, dapat handa kami sa anumang magiging epekto ng aking mga hakbang, kabilang na ang posibilidad na mawalan ng ilang miyembro sa mayorya at tuluyang mawala ang kanyang pagka-Senate President.)
Matatandaang nagbitiw si Lacson sa BRC noong Oktubre 6 dahil sa hindi pagkakaunawaan sa loob ng mayorya. Sa kanyang pagninilay, inamin niyang may agam-agam siya noon kung may saysay pa bang pamunuan ang komite kung mawawala na ang kontrol ng mayorya.
“In retrospect, a simple, practical question crossed my mind when I decided to resign last October 6: What BRC chairmanship are we talking about if we lose the majority to the current Cayetano-led minority bloc?” ani Lacson.
(Sa pagbabalik-tanaw, isang simpleng tanong ang pumasok sa isip ko nang magbitiw ako noong Oktubre 6: Anong BRC chairmanship pa ang pinag-uusapan kung mawawala na sa atin ang mayorya at mapupunta ito sa minoryang pinamumunuan ni Cayetano?)
Ngunit kung sakaling tanggapin niyang muli ang posisyon, sinabi niyang hindi na ito magiging hadlang.
“If I decide to get back the BRC chairmanship, that question will no longer be a factor,” dagdag niya.
(Kung sakaling tanggapin ko muli ang pamumuno sa BRC, hindi na magiging factor ang tanong na iyon.)
Samantala, mariing tinutulan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagkakadawit ng minorya sa usapin.
“There’s really no need for Senator Lacson to drag the minority into what’s clearly a family matter within the majority,” ani Cayetano.
(Wala talagang dahilan para idamay ni Senator Lacson ang minorya sa isang malinaw na internal na usapin sa mayorya.)
Binigyang-diin ni Cayetano na ang desisyon ni Lacson na bumitiw ay bunga ng tensyon sa loob ng kanilang hanay, hindi ng impluwensiya ng minorya.
“As he admits, his decision to step down from the Blue Ribbon Committee didn’t come from the minority — it came from dissatisfaction within their own ranks. Let’s not rewrite history,” dagdag niya.
(Ayon na rin sa kanya, ang desisyon niyang bumitiw sa BRC ay hindi galing sa minorya — ito'y bunga ng hindi pagkakasundo sa kanilang sariling hanay. Huwag nating baluktutin ang kasaysayan.)
Ayon naman kay dating Senate President Franklin Drilon, ang akusasyon ni Lacson na halos lahat ng senador ay may budget insertions ang naging mitsa ng hindi pagkakaunawaan.
Nagpahiwatig din si Sen. JV Ejercito ng posibilidad na kumalas sa mayorya at maging independent.
Sa kabila ng lahat, nanindigan si Cayetano na ang BRC ay hindi dapat maging larangan ng personal na alitan.
“Our focus has always been on the bigger picture — truth, transparency, and integrity. Kung may tampuhan man sila sa majority, ayos lang ‘yan — politics will always have its share of drama. But let’s not turn the Senate into a teleserye,” ani Cayetano.
(Ang focus namin ay palaging nasa mas malawak na layunin — katotohanan, transparency, at integridad. Kung may tampuhan man sa mayorya, ayos lang ‘yan — likas sa pulitika ang drama. Pero huwag nating gawing teleserye ang Senado.)
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)