Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

PDEA, sinalakay ang drug den sa Pagadian City; limang suspek kabilang ang dalawang menor de edad, arestado

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-05 06:01:45 PDEA, sinalakay ang drug den sa Pagadian City; limang suspek kabilang ang dalawang menor de edad, arestado

Pagadian City, Zamboanga del Sur —Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 9 ang limang katao, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos nilang salakayin at tuluyang buwagin ang isang hinihinalang drug den sa Barangay Sta. Maria, Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Biyernes.



Ayon kay PDEA Region 9 Director Babang, nasamsam ng mga operatiba sa isinagawang paghahalughog ang 16 na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 10 gramo at may tinatayang halagang ₱68,000.



 Nakumpiska rin sa lugar ang iba’t ibang paraphernalia na ginagamit sa pagtuturok at paghitit ng droga, kabilang ang mga disposable lighter na may improvised needle, aluminum foil strips, scooping device, at isang glass tube.



Kinilala ni Babang ang mga naarestong suspek sa mga alyas na Julius, 36-anyos, isang construction worker na sinasabing tagapangalaga ng naturang drug den; Bryan, 27; at Glenia, 57. Ang dalawang menor de edad na nadakip ay agad namang itinurn-over sa tanggapan ng social welfare para sa nararapat na interbensiyon



Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong nasa hustong gulang, ayon sa PDEA.


larawan/google