Discaya camp, nginuso ang mga car dealer sa isyu ng Customs violations ng luxury vehicles
Marijo Farah A. Benítez Ipinost noong 2025-09-11 17:05:48
SETYEMBRE 11, 2025 — Itinuro ng kampo nina Sarah at Curlee Discaya ang mga car dealer bilang posibleng may pananagutan sa mga iregularidad kaugnay ng importasyon ng kanilang mga mamahaling sasakyan.
Sa isang press conference, iginiit ng abogado ng mag-asawa na si Atty. Cornelio Samaniego III na ang mga dealer ang dapat habulin kung may paglabag sa batas.
“Definitely babalikan namin ang mga car dealer na yan kasi hindi naman mabibili ng spouses Discaya yan kung hindi ibinenta ng mga car dealer,” pahayag ni Samaniego.
“Noong binili ng mga Discaya yan, buyers in good faith sila,” dagdag pa niya. “Kung magkaproblema, yung car dealer may problema sa Customs. Kami naman, hahabulin naman namin yung car dealer.”
Simula noong Setyembre 2, sinimulan ng Bureau of Customs (BOC) ang pag-secure sa mga sasakyan ng Discaya couple bilang bahagi ng search warrant na may kaugnayan sa imbestigasyon sa mga flood control project.
Aabot na sa 30 luxury vehicles ang hawak ng BOC hanggang nitong Miyerkules. Sa mga ito, walo ang walang import entry at certificate of payment, ayon kay Customs Commissioner Ariel Francisco Nepomuceno. Ilan pa sa mga sasakyan ay kulang sa dokumento.
Kapag napatunayang may paglabag, maglalabas ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa mga sasakyan.
Ang hakbang ay kasunod ng mas malawak na imbestigasyon sa mga umano’y ghost flood control projects na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang sunod-sunod na pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mariin namang itinanggi ng kampo ng Discaya ang anumang anomalya sa kanilang mga proyekto at pag-aari.
(Foto: Agencia de Noticias de Filipinas)