Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Ridon pinag-aaralan ang posibleng paglabag ni Sen. Estrada sa Data Privacy Act

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-11 19:27:26 Ridon pinag-aaralan ang posibleng paglabag ni Sen. Estrada sa Data Privacy Act

Setyembre 11, 2025 – Tinitignan ngayon ni House Infrastructure Committee Co-chairperson Rep. Terry Ridon ang posibilidad na lumabag si Senador Jinggoy Estrada sa Data Privacy Act matapos ilabas ng mambabatas sa social media ang high school yearbook kung saan nakalathala ang litrato ni Ridon at ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) assistant district engineer Brice Hernandez, na kapwa nagmula sa parehong paaralan.


Ayon kay Ridon, hindi lamang simpleng larawan ang lumabas sa social media post kundi kasama rin ang iba pang sensitibong impormasyon. Kabilang dito ang address ng kanyang lola na malinaw na nakalagay sa pahina ng yearbook, bagay na aniya ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang seguridad.


Dahil dito, sinabi ng kongresista na hihingi siya ng paliwanag at gabay mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Privacy Commission (NPC) upang malinawan kung may naging paglabag sa batas, at kung anong hakbang ang nararapat laban sa senador kung mapatunayang lumabag.


Sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 (Republic Act 10173), pinoprotektahan ang personal at sensitibong impormasyon ng bawat indibidwal laban sa hindi awtorisadong paglalantad o paggamit nito. May kaukulang parusa ang mga lalabag, kabilang ang pagkakakulong at multa, depende sa bigat ng paglabag.


Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Estrada kaugnay ng isyu. Gayunman, iginiit ni Ridon na mahalagang matukoy kung may paglabag sa karapatan sa privacy upang hindi maging precedent ang ganitong uri ng pagbubunyag sa publiko, lalo na kung nakapaloob dito ang mga personal na detalye na walang kinalaman sa isyu.