OCTA survey: Inflation, food poverty patuloy na bumabagabag sa pamilyang Pilipino
Margret Dianne Fermín Ipinost noong 2025-08-20 15:59:11
MANILA — Nanatiling pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang tumataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa abot-kayang pagkain, at mababang sahod, ayon sa pinakahuling “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research na isinagawa noong Hulyo 12–17, 2025.
Batay sa resulta ng survey na may 1,200 respondents mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, 50 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing ang pagkontrol sa inflation ang pinaka-urgent na isyung pambansa. Sinundan ito ng access sa abot-kayang pagkain (31%), pagtaas ng sahod (26%), at pagbawas ng kahirapan (23%).
Ayon sa OCTA, “Still, the continued dominance of inflation, food, and wages as top concerns underscores their persistent weight on households and signals that economic well-being remains the foremost national priority.”
Bagamat bumaba ang bilang ng mga nag-aalala sa inflation mula 64% noong Abril patungong 50% ngayong Hulyo, nananatili pa rin itong pangunahing isyu. Ang concern sa access sa pagkain ay bumaba rin mula 41% sa Abril patungong 31%, habang ang pagtaas ng sahod ay bumaba mula 37% patungong 26%.
Sa regional breakdown, pinakamataas ang concern sa inflation sa Mindanao (60%) at National Capital Region (53%), habang ang demand para sa mas mataas na sahod ay pinakamatindi sa Visayas (39%) at NCR (33%).
Sa personal na antas, 63% ng mga Pilipino ang nagsabing ang pananatiling malusog ang kanilang pangunahing alalahanin, sinundan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain (47%), pagpapatapos ng pag-aaral ng mga anak (46%), at pagkakaroon ng maayos na trabaho o kita (42%).
Samantala, sa hiwalay na ulat ng OCTA, lumobo ang food poverty rate sa bansa mula 35% noong Abril patungong 43% ngayong Hulyo, na katumbas ng tinatayang 11.3 milyong pamilya. Ayon sa OCTA, “The sharp rise in food poverty, despite stable overall poverty levels, suggests more families are finding it difficult to afford food, putting additional pressure on household budgets.”
Pinakamataas ang food poverty sa Mindanao (68%), sinundan ng Visayas (50%), Balance Luzon (34%), at NCR (17%). Pinakamatinding naapektuhan ang mga nasa Class E, kung saan 68% ang nag-ulat ng food insecurity.
Sa gitna ng mga datos, nanawagan ang ilang mambabatas ng mas masusing pagsusuri sa mga patakaran ukol sa presyo ng pagkain. Sa isang pagdinig sa Senado noong Agosto 20, binigyang-diin ni Senador Francis Pangilinan ang pangangailangan ng “legislative and administrative reforms” upang mapababa ang presyo ng pagkain at mapalakas ang food security sa bansa.
Sa kabila ng bahagyang pagbuti sa ilang economic indicators, malinaw sa survey ng OCTA na ang mga batayang pangangailangan—pagkain, kita, at presyo—ay patuloy na bumabagabag sa karamihan ng mga Pilipino.