Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga batang nakakaranas ng ‘marahas na disiplina’ sa loob ng tahanan, malaki ang chance na hindi makapagpatuloy sa pag-aaral

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-15 00:12:47 Mga batang nakakaranas ng ‘marahas na disiplina’ sa loob ng tahanan, malaki ang chance na hindi makapagpatuloy sa pag-aaral

MANILA, Philippines — Halos kalahati ang ibinababa ng tsansang makapagpatuloy sa pag-aaral ng mga kabataang Pilipino na dumaranas ng violent discipline o karahasang ginagawa ng magulang sa loob ng tahanan, ayon sa isang bagong pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).

Batay sa pag-aaral, ang mga batang nakaranas ng karahasan sa edad na 10 taong gulang ay mayroon na lamang 50 porsiyentong tsansa na makapag-enroll sa paaralan pagdating nila sa edad na 14 hanggang 15. Ipinapakita nito na ang maagang karahasan ay may pangmatagalang epekto hindi lamang sa pisikal at emosyonal na kalagayan ng bata, kundi pati na rin sa kanilang edukasyon at kinabukasan.

Bagama’t nananatiling mataas ang kabuuang enrollment rate sa bansa, natuklasan sa pag-aaral na malaking bahagi ng mga batang humihinto sa pag-aaral ay nagmumula sa mga tahanang may bayolenteng magulang. Ayon sa mga mananaliksik, ang takot, trauma, at kawalan ng emosyonal na suporta ay nagiging hadlang sa konsentrasyon, motibasyon, at kakayahan ng mga bata na manatili sa paaralan.

Ang pag-aaral na pinamagatang “Early Harm, Lasting Impact: The Effect of Parental Violence on Educational Outcomes Among Filipino Children” ay isinagawa nina Manuel Lyle Daryll Casas at Dr. Valerie Gilbert Ulep. Sinubaybayan dito ang halos 5,000 batang Pilipino mula pagkabata hanggang sa kanilang pagtanda upang masuri ang ugnayan ng karahasang pambahay at edukasyonal na resulta.

Binibigyang-diin ng PIDS na mahalagang tugunan hindi lamang ang access sa edukasyon kundi pati ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata sa loob ng tahanan. Ayon sa institusyon, kinakailangan ang mas pinaigting na child protection programs, parent education, at maagang intervention upang maputol ang siklo ng karahasan na patuloy na sumisira sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. Nanawagan din ang mga mananaliksik sa pamahalaan at mga ahensya na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng edukasyon, social welfare, at mental health services upang matiyak na walang batang maiiwan dahil sa karahasang kanilang nararanasan sa sariling tahanan. (Larawan: LinkedIn / Google)