Babala: Mga produktong nakaka-detox umano ng kidney, scam ayon kay Dr. Kilimanguru na isa ring social media influencer
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-14 23:47:42
MANILA — Nagpaalala ang doktor at content creator na si Dr. Winston Kilimanjaro Tiwaque, mas kilala bilang Dr. Kilimanguru, sa publiko na huwag basta maniwala sa mga produktong nag-aangking kayang mag-“detox” ng kidneys, dahil ayon sa kanya, ang kidneys mismo ang natural na detoxifier ng katawan ng tao.
Sa isang Facebook post na umani ng atensyon at diskusyon online, ipinaliwanag ni Dr. Kilimanguru na hindi kailangan ng mamahaling supplements, tsaa, o inuming may label na “kidney detox” upang linisin ang kidneys. Aniya, likas na tungkulin ng kidneys ang pagsala ng dugo, pagtanggal ng lason, at pagpapanatili ng tamang balanse ng fluids at electrolytes sa katawan.
“So ang gagawin mo ay alagaan ang kidneys mo. Paano? DRINK WATER. As in 90% ng araw mo dapat tubig,” ayon kay Dr. Kilimanguru. Binigyang-diin niya na ang sapat na pag-inom ng tubig ang isa sa pinakamahalaga at pinakaepektibong paraan upang mapanatiling malusog ang kidneys.
Babala rin ng doktor, maaaring makapinsala pa sa kalusugan ang ilang detox products, lalo na kung walang sapat na ebidensyang siyentipiko at hindi dumaan sa tamang pagsusuri. Dagdag pa niya, may mga produktong maaaring magdulot ng dehydration, electrolyte imbalance, o dagdag na stress sa kidneys—na taliwas sa layunin nitong “paglilinis.”
Hinikayat ni Dr. Kilimanguru ang publiko na maging mapanuri sa mga health claims na nakikita sa social media, lalo na ang mga nangangakong mabilis at milagrosong resulta. Sa halip, mas mainam aniyang sundin ang basic at subok na payo ng mga eksperto: sapat na tubig, balanseng pagkain, regular na ehersisyo, at pag-iwas sa labis na asin, matatamis na inumin, at alak. Sa huli, paalala ng doktor, walang shortcut sa kalusugan, at ang simpleng pag-aalaga sa katawan—lalo na sa pamamagitan ng tamang hydration—ang tunay na susi upang mapanatiling maayos ang paggana ng kidneys at ng buong katawan. (Larawan: Dr. Kilimanguru / Facebook)
