Mika Salamanca, balik-viral matapos i-recreate ang iconic childhood video
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-22 14:15:07
MANILA, Philippines — Matapos tanghaling Big Winner ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition, muling naging usap-usapan si Mika Salamanca — hindi lang dahil sa kanyang tagumpay sa reality show, kundi dahil sa pagbabalik niya sa mga lumang viral video na unang nagpakilala ng kanyang talento at pagmamahal sa pamilya.
Kabilang sa mga pinakatampok ay ang bata pa niyang bersyon ng “Sino Nga Ba Siya” ni Sarah Geronimo, kung saan nakasuot siya ng PE uniform, nahulog sa upuan, naupo sa sahig, at buong puso niyang kinanta ang ballad. Muling nag-viral ang video matapos ang kanyang PBB win. Ayon kay Mika, ang video na iyon ay orihinal na ginawa para sa kanyang ina, si Mommy Bambie, na noon ay nagtatrabaho bilang OFW.
“’Yung mom ko po kasi ay isang OFW. Hindi po siya nakakapunta sa lahat ng mga events namin sa school. Wala po siya every time,” ani Mika sa isang media conference. “So ‘yung mga pine-perform ko po sa school, vinivideo ng ate ko, ng mga pinsan tapos pinapadala sa kaniya... Kaya po para sa nanay ko po ‘yung lahat ng videos ko.”
Ngayong muli siyang sumikat, masayang ni-recreate ni Mika ang nasabing viral video at in-upload ito sa TikTok. Sa caption, pabirong sabi niya, “’Wag nyo na akong i-tag, salamat. Chereng!” — tugon sa fans na sunod-sunod ang pag-post ng throwback clips. Umabot na sa 4.6 milyon ang views ng video at umani ng papuri mula sa fans at celebrities, kabilang si SB19’s Justin na gumawa rin ng sariling comedic version.
Dahil sa muling pagbabalik ng kanyang childhood clips, mas lalong tumibay ang desisyon ni Mika na ituloy ang pangarap sa musika. Kumpirmado niyang kasalukuyang ginagawa ang kanyang debut album sa ilalim ng Star Music, kung saan magiging lead track ang “Sino Nga Ba Siya.”
“Niluluto na po. And sobrang excited ko po at nandoon po ang ‘Sino Nga Ba Siya,’” aniya.
Ibinahagi rin ni talent manager Jan Enriquez ang emosyonal na kwento sa likod ng mga video. Ayon sa kanya, sa social media account ng kanyang ina unang in-upload ang mga ito para mapawi ang pangungulila habang nasa abroad.
“During that time kasi abroad na si Nanay at nasa Pilipinas sina Mika. So para ‘di mangulila si Nanay e pinapadalhan lagi nila ng videos para maaliw at mapangiti ito,” ayon kay Enriquez.
Bukod sa musika, bibida rin si Mika bilang Anaca sa Encantadia Chronicles: Sang’gre, patunay na palawak na nang palawak ang kanyang presensya sa showbiz.
Mula sa mga tribute para sa kanyang ina, hanggang sa mga nakakatuwang reenactment, pinapatunayan ni Mika Salamanca na ang talento, katapatan, at pagmamahal sa pamilya ay hindi naluluma — at minsan, ang nakaraan ang pinakamabisang daan patungo sa mas makulay na kinabukasan.