Diskurso PH
Translate the website into your language:

4 patay matapos magkarambola ang 20 na sasakyan sa Delhi-Mumbai dahil sa makapal na hamog

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-16 23:11:52 4 patay matapos magkarambola ang 20 na sasakyan sa Delhi-Mumbai dahil sa makapal na hamog

INDIA Apat na katao ang kumpirmadong nasawi habang ilan pa ang sugatan matapos ang malawakang banggaan ng humigit-kumulang 20 sasakyan sa Delhi–Mumbai Expressway noong madaling-araw ng Disyembre 15, ayon sa ulat ng The Times of India.

Naganap ang insidente malapit sa Nuh district sa estado ng Haryana, kung saan halos zero visibility ang naranasan ng mga motorista dahil sa sobrang kapal na hamog. Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang aksidente nang hindi na makapreno sa oras ang ilang sasakyan, na nagdulot ng sunod-sunod na salpukan sa expressway.

Batay sa paunang imbestigasyon, mabilis na nagpatong-patong ang mga sasakyan matapos mawalan ng sapat na distansya at malinaw na paningin ang mga driver. Ang ilan sa mga nasugatan ay agad dinala sa mga kalapit na ospital para sa agarang gamutan, habang isinailalim sa rescue operations ang mga naipit sa mga wasak na sasakyan.

Agad namang rumesponde ang pulisya at rescue teams, kabilang ang mga ambulansya at heavy equipment, upang iligtas ang mga biktima at linisin ang kalsada. Pansamantalang isinara ang bahagi ng expressway upang maalis ang mga nasirang sasakyan at maiwasan ang karagdagang aksidente.

Samantala, naglabas ng paalala ang mga awtoridad sa publiko, partikular sa mga motorista, na magbawas ng bilis, panatilihin ang ligtas na distansya, at iwasan ang biyahe kung maaari kapag mababa ang visibility dulot ng hamog. Pinayuhan din ang paggamit ng fog lights at pagsunod sa traffic advisories lalo na sa mga expressway na madalas tamaan ng makapal na hamog tuwing madaling-araw. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap. (Larawan: DeadlyKalesh / Facebook)