‘Bayani ng Bondi’ sugatan matapos agawin ang baril ng gunman
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-15 17:53:28
December 15, 2025 — Isang Sydney fruit shop owner na tinaguriang “bayani” matapos agawin ang baril ng isa sa mga gunman sa Bondi Beach mass shooting ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos sumailalim sa operasyon dahil sa tama ng bala sa braso at kamay.
Kinilala ang nasabing lalaki bilang si Ahmed el Ahmed, isang 43-anyos na ama ng dalawang anak at may-ari ng fruit shop sa Sydney. Sa kuha ng video, makikitang mabilis siyang tumakbo mula sa likuran ng isa sa mga suspek at agawin ang shotgun bago ito maituro sa iba pang tao. Matapos makuha ang baril, itinabi niya ito sa isang puno upang hindi na magamit muli.
Ayon sa kanyang pamilya, si Ahmed ay isinailalim sa operasyon matapos tamaan ng bala sa braso at kamay habang nakikipagbuno sa gunman. “He is recovering in hospital after undergoing surgery for bullet wounds to his arm and hand,” pahayag ng pamilya sa panayam. Dagdag pa nila, nagpapasalamat sila sa mga doktor at sa komunidad na patuloy na nagdarasal para sa kanyang paggaling.
Tinagurian siyang “genuine hero” ng mga awtoridad at mamamayan ng Australia dahil sa kanyang matapang na aksyon na nakatulong upang mapigilan ang mas matinding pinsala. “Australians hailed a man whose intervention during a mass shooting at Sydney’s Bondi Beach helped stop an armed attacker,” ayon sa ulat.
Sa naturang insidente, hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at marami ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang gunman sa isang Jewish event sa Bondi Beach, Sydney. Isa sa mga suspek ang napatay sa lugar habang ang isa ay naaresto ng mga awtoridad. Dahil dito, pinag-aaralan ng pamahalaan ng Australia ang mas mahigpit na gun laws upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
Patuloy na binibigyang-pugay ng publiko si Ahmed el Ahmed bilang simbolo ng tapang at malasakit. Sa kabila ng kanyang pagkakasugat, ang kanyang ginawa ay nagligtas ng maraming buhay at nagbigay ng pag-asa sa gitna ng trahedya.
Larawan mula Arab News
