Unang Jubilee ng LGBTQ+, nagbukas ng panibagong kabanata sa pananampalataya
Marijo Farah A. Benítez Ipinost noong 2025-09-07 18:15:20
SETYEMBRE 7, 2025 — Mahigit 1,000 miyembro ng LGBTQ+ mula sa iba’t ibang bansa ang naglakad patungo sa Banal na Pintuan ng Basilica ni San Pedro noong Setyembre 6, bilang bahagi ng paggunita sa Jubilee Year 2025 ng Simbahang Katolika. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinama ang komunidad sa isang opisyal na banal na paglalakbay.
Kasama sa prusisyon ang mga pari, madre, at mga kaanak ng mga deboto — isang malinaw na pahayag ng pagkakaisa at pagtanggap. Sa Via della Conciliazione, sabay-sabay silang nagdasal at umawit ng mga himno habang papalapit sa simbahan.
Nagsimula ang dalawang araw na pagninilay noong gabi ng Setyembre 5 sa Church of Gesù sa Roma, kung saan ginanap ang isang vigil. Kinabukasan, isang banal na misa ang isinagawa sa parehong simbahan, pinangunahan ni Monsignor Francesco Savino, bise presidente ng Italian Episcopal Conference.
Ayon sa grupo ng mga tagapag-organisa, ang La Tenda di Gionata, layunin ng paglalakbay na iparamdam sa bawat isa ang pagtanggap ng Simbahan.
“We will cross the Holy Door ... a time of liberation, of hope, of mercy, where, even there and precisely there, we will feel awaited, called by name, desired, loved — in that House which is for everyone,” ayon sa pahayag.
(Tatawirin namin ang Banal na Pintuan ... isang panahon ng paglaya, pag-asa, awa, kung saan, doon mismo, mararamdaman naming kami’y hinihintay, tinatawag sa pangalan, hinahangad, minamahal — sa Bahay na para sa lahat.)
Bukod sa Basilica ni San Pedro, may apat pang Banal na Pintuan na binuksan para sa Jubilee: sa Rebibbia prison chapel (binuksan ni Pope Francis noong Disyembre), Basilica of Saint Paul Outside the Walls (binuksan ni Cardinal James Michael Harvey noong Enero 5), St. John Lateran Basilica, at Basilica of Saint Mary Major.
Ang Jubilee Year ay ginaganap kada 25 taon, at itinuturing na panahon ng kapayapaan, kapatawaran, at pagbabalik-loob. Sa temang “pag-asa,” tatagal ang pagdiriwang hanggang Enero 6, 2026.
(Foto: Yahoo)