Tanging pag-asa: Prinsipe Hisahito, tanging lalaking royal na naging ganap na ‘adult’ matapos ang apat na dekada
Marijo Farah A. Benítez Ipinost noong 2025-09-07 16:32:35
SETYEMBRE 7, 2025 — Sa gitna ng lumalalim na krisis sa pamumuno ng monarkiya ng Japan, opisyal nang kinilala si Prinsipe Hisahito bilang ganap na miyembro ng Imperial Family sa pamamagitan ng isang serye ng tradisyunal na ritwal nitong Sabado. Siya ang kauna-unahang lalaking miyembro ng pamilya na umabot sa hustong gulang sa nakalipas na apat na dekada — at posibleng siya na rin ang huli.
Si Hisahito, 19 taong gulang, ay anak nina Crown Prince Akishino at Crown Princess Kiko. Bilang ikalawa sa linya ng pagmamana sa Chrysanthemum Throne, inaasahang siya ang susunod na emperador ng Japan. Ngunit matapos siya, wala nang ibang lalaking tagapagmana sa kasalukuyang hanay ng pamilya, na binubuo ng 16 na miyembro — lahat ay nasa hustong gulang.
Ang kanyang ama, si Akishino, ang huling lalaking miyembro ng pamilya na umabot sa adulthood noong 1985. Ang ikatlong tagapagmana, si Prince Hitachi, ay 89 taong gulang na. Ang kasalukuyang emperador, si Naruhito, ay may isang anak na babae, si Princess Aiko, na hindi maaaring magmana ng trono dahil sa umiiral na batas na naglilimita sa pagmamana sa mga lalaki lamang.
Ang batas na ito, na nakaugat pa sa pre-war Constitution noong 1889 at pinalakas ng 1947 Imperial House Law, ay matagal nang tinutuligsa ng mga eksperto.
Ayon sa dating pinuno ng Imperial Household Agency na si Shingo Haketa, “The fundamental question is not whether to allow male or female succession line but how to save the monarchy.”
(Ang pangunahing tanong ay hindi kung papayagan ba ang lalaki o babae sa linya ng pagmamana kundi kung paano maililigtas ang monarkiya.)
Sa kabila ng suporta ng publiko kay Princess Aiko bilang potensyal na babaeng emperador, nananatiling sarado ang pinto sa mga babae sa trono. Noong 2005, iminungkahi ng gobyerno ang posibilidad ng babaeng emperador, ngunit agad itong binawi nang ipanganak si Hisahito. Mula noon, muling lumakas ang panawagan ng mga konserbatibo na panatilihin ang male-only succession.
Noong 2022, isang panel ng mga eksperto ang nagrekomenda na panatilihin ang kasalukuyang sistema ngunit payagan ang mga babaeng miyembro ng pamilya na manatili sa kanilang royal status kahit magpakasal sa mga karaniwang mamamayan. Iminungkahi rin ang pag-aampon ng mga lalaking descendants mula sa mga dating royal family na defunct na ngayon.
Gayunpaman, hindi pa rin umausad ang diskusyon sa posibilidad na bigyan ng royal status ang mga asawa ng prinsesa at ang kanilang mga anak. Sa panukala ng Yomiuri noong Mayo, hinimok ang Kongreso na agarang rebisahin ang Imperial House Law upang payagan ang mga babae sa trono at bigyan ng royal status ang kanilang pamilya. Tinukoy nito ang sitwasyon bilang “crisis surrounding the state and the symbol of the unity of the people” (krisis na bumabalot sa estado at sa simbolo ng pagkakaisa ng mamamayan).
Samantala, si Hisahito ay abala sa kanyang pag-aaral sa Tsukuba University kung saan siya ay freshman sa kursong biology. Kilala siya sa pagkhilig sa mga insekto, partikular sa tutubi, at nakapagsulat na ng akademikong papel tungkol sa mga ito sa bakuran ng Akasaka estate.
Sa kanyang unang press conference noong Marso, sinabi niyng,: “I hope to focus my studies on dragonflies and other insects, including ways to protect bug populations in urban areas.”
(Umaasa akong mapagtutuunan ko ng pansin ang pag-aaral sa mga tutubi at iba pang insekto, kabilang na ang mga paraan upang maprotektahan ang kanilang populasyon sa mga urban na lugar.)
Ang kanyang coming-of-age ceremony ay naantala ng isang taon upang makapag-focus siya sa entrance exams para sa kolehiyo.
Sa seremonya, nagsuot siya ng tradisyunal na kasuotan at tinanggap ang “kanmuri,” isang itim na headpiece na simbolo ng pagiging adult. Matapos ang ritwal, nagbigay siya ng pasasalamat sa kanyang mga magulang at sa emperador, at nangakong tutuparin ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng pamilya.
Kasunod nito, sumakay siya sa royal carriage upang magdasal sa tatlong dambana sa loob ng palasyo. Sa hapon, bumisita siya sa Matsu-no-Ma upang bumati kina Emperor Naruhito at Empress Masako. Tumanggap din siya ng Grand Cordon of the Supreme Order of the Chrysanthemum, isang medalya na bahagi ng postwar tradition.
Sa gabi, nagdaos ng pribadong salu-salo ang kanyang mga magulang sa isang hotel sa Tokyo. Sa mga susunod na araw, nakatakda siyang bumisita sa Ise Shrine, sa libingan ni Emperor Jinmu sa Nara, at sa libingan ni Emperor Hirohito sa Tokyo suburbs. May nakatakda rin siyang tanghalian kasama si Prime Minister Shigeru Ishiba at iba pang opisyal sa Miyerkules.
Sa kabila ng engrandeng selebrasyon, nananatiling mabigat ang responsibilidad sa balikat ni Hisahito. Sa kasalukuyang kalagayan ng monarkiya, tila siya na lang ang natitirang pag-asa ng Japan upang mapanatili ang tradisyong mahigit 1,500 taon nang umiiral.
(Foto: Yahoo)