Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Labubu Craze: Pop Mart founder mas mayaman na kaysa kay Jack Ma

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-30 19:36:44 Labubu Craze: Pop Mart founder mas mayaman na kaysa kay Jack Ma

China - Umani ng matinding kasikatan sa buong mundo ang “Labubu” collectible toys ng Pop Mart, at dahil dito ay pumalo ang yaman ng tagapagtatag na si Wang Ning, 38 taong gulang, hanggang umabot sa humigit-kumulang $27.5 bilyon. Mas mataas na ito kaysa sa tinatayang $26.7 bilyon na net worth ni Jack Ma, ang kilalang co-founder ng Alibaba.


Ang “Labubu” ay isang kakaibang karakter na nilikha ng Hong Kong artist na si Kasing Lung. Ang disenyo nitong “ugly-cute” ang nagpasikat sa kanya, lalo na nang ibenta sa tinatawag na blind box format, kung saan hindi alam ng bibili kung anong variant ang makukuha niya. Dahil dito, naging mas nakaka-excite para sa mga kolektor at nagdulot ng mataas na demand sa merkado.


Batay sa ulat ng negosyo, tumalon nang tatlong beses ang kinita ng Pop Mart ngayong taon, na umabot sa halos 13.88 bilyong yuan o halos $1.93 bilyon. Mahigit 40% ng benta ay nagmula na sa labas ng China, tanda ng lumalawak na impluwensya ng kumpanya. Halos 35% ng kabuuang kita ay mula lamang sa Labubu.


Hindi lang mga tindahan ng Pop Mart ang nagkakaroon ng bentahan ng Labubu. Sa merkado ng kolektor, may ilang piraso ng laruan na naibenta ng libo-libong dolyar. Sa isang auction sa Beijing, isang higanteng bersyon ng Labubu ang naibenta ng higit $170,000, habang sa online resale, may piraso ring pumalo sa mahigit $10,000.


Malaking tulong din ang suporta ng mga kilalang personalidad sa pagsikat ng karakter. Nakita itong hawak ng ilang international celebrities tulad nina Rihanna, Kim Kardashian, at Lisa ng Blackpink. Dahil dito, mas lumawak ang pagkilala at naging bahagi na rin ng pop culture ang Labubu.


Dahil sa matagumpay na pag-angat ng Pop Mart, si Wang Ning ay ngayon kabilang na sa pinakabatang bilyonaryo sa China na nasa top ten list. Itinuturing na patunay ang kanyang tagumpay na malayo na ang narating ng industriya ng collectible toys—mula sa simpleng laruan tungo sa malaking negosyo na may pandaigdigang merkado.