Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Robot na pwedeng magbuntis? Dini-develop na ng China

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-19 00:01:39 Robot na pwedeng magbuntis? Dini-develop na ng China

Beijing, China — Mga siyentipiko sa China ang kasalukuyang gumagawa ng tinaguriang “pregnancy robot” na may artificial womb o artipisyal na sinapupunan, na inaasahang ilulunsad sa merkado pagsapit ng 2026 sa halagang higit ₱790,000 (100,000 yuan), ayon sa ulat ng Economic Times.

Ipinakita ang naturang inobasyon sa 2025 World Robot Conference sa Beijing sa pangunguna ni Dr. Zhang Qifeng, tagapagtatag ng Kaiwa Technology at kaanib ng Nanyang Technological University sa Singapore.

Hindi tulad ng tradisyunal na incubator, ang humanoid robot na ito ay may artificial womb sa tiyan na idinisenyong kayang tularan ang buong proseso ng pagbubuntis—mula konsepsiyon hanggang panganganak.

Ayon kay Zhang, ang artificial womb ay naglalaman ng artipisyal na amniotic fluid, habang ang fetus naman ay makakatanggap ng nutrisyon sa pamamagitan ng hose.

“Mature na ang artificial womb technology. Ang susunod na hakbang ay pagsama nito sa katawan ng robot upang magkaroon ng interaksyon sa tao, at tuluyang lumaki ang fetus sa loob nito,” paliwanag niya sa Chinese outlet Kuai Ke Zhi.

Isa sa mga layunin ng teknolohiyang ito ay magbigay ng alternatibo sa mga taong nais iwasan ang pisikal at emosyonal na bigat ng pagbubuntis, bagay na nagdudulot ng interes at debate sa publiko.

Kasabay ng pagpapakita ng proyekto, inamin ni Zhang na may mga ethical at legal concerns, ngunit nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga awtoridad sa Guangdong Province at nagsumite ng mga panukala kaugnay ng regulasyon at batas.

Samantala, tampok din sa China ngayong Agosto ang World Humanoid Robot Games, kung saan lumahok ang mga robot sa iba’t ibang sports gaya ng track and field at table tennis, pati na rin sa mga gawaing tulad ng pag-sort ng gamot at paglilinis.

Ayon sa ulat ng Morgan Stanley, kapansin-pansin ang paglobo ng publiko na dumalo sa mga robot conference ngayong taon—isang indikasyon na hindi lamang gobyerno kundi pati mamamayang Tsino ay yumayakap na sa konsepto ng embodied intelligence. (Larawan: Google)