Lisensya ng drayber na nanapak ng lalaking nagtutulak ng kariton, suspendido
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-15 12:55:20
DISYEMBRE 15, 2025 — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang drayber ng puting Toyota Hilux matapos mag-viral ang video ng pananakit niya sa isang lalaking nagtutulak ng kariton sa kalsada. Ayon sa ahensya, 90 araw na suspensyon ang agad na ipinataw habang iniimbestigahan ang insidente.
Sa kuha ng video, makikitang bumaba ang drayber mula sa kanyang sasakyan at nakipagtalo sa lalaking may kariton, bago nito tinampal nang malakas sa batok ang biktima. Kasama ng lalaki ang kanyang anak na nakitang umiiyak matapos masaksihan ang pangyayari.
Naglabas din ang LTO ng show cause order na nag-aatas sa drayber na humarap sa Intelligence and Investigation Division upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanyang lisensya. Kapag nabigo siyang magbigay ng paliwanag, maaaring tuluyang kanselahin ang kanyang karapatang magmaneho.
Mariing kinondena ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang insidente, lalo na ang epekto nito sa bata.
“The agency will not tolerate this kind of behavior on the road. If the allegations in the video are true, the driver must be held accountable. We assure the public that we will bring this incident to justice,” ani Lacanilao.
(Hindi kukunsintihin ng ahensya ang ganitong asal sa lansangan. Kung totoo man ang mga paratang ayon sa video, dapat managot ang driver. Tinitiyak natin sa publiko na bibigyan natin ng hustisya ang insidenteng ito.)
Ayon sa mga nakasaksi, isang mag-asawa na may tindahan malapit sa lugar ang nakapag-rekord ng insidente at sumubok na mamagitan. Humarurot palayo umano ang driver nang mapansin na siya’y kinukunan ng video.
Dagdag ng LTO, ang eksaktong detalye ng kaso ay matutukoy sa nakatakdang pagdinig. Nananatiling bukas ang posibilidad ng mas mabigat na parusa kung mapatunayang lumabag ang driver sa batas at sa pamantayan ng pagiging responsableng motorista.
(Larawan: Mary Grace Aquilino | Facebook)
