HIV cases sa Pilipinas tumaas ng 22% sa ikatlong quarter ng 2025
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-02 16:54:12
MANILA — Iniulat ng Department of Health (DOH) na umabot sa 5,583 bagong kaso ng HIV ang naitala sa bansa mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, batay sa 3rd Quarter HIV and AIDS Surveillance Report of the Philippines.
Ayon sa DOH, “In July to September 2025, there were 5,583 confirmed HIV-positive individuals reported, which is 22 percent higher than the cases recorded in the same quarter last year.”
Sa breakdown ng datos, may 2,176 kaso noong Hulyo, 1,608 noong Agosto, at 1,799 noong Setyembre. Katumbas ito ng average na 61 bagong kaso kada araw, mas mataas kumpara sa 50 kaso kada araw sa parehong quarter noong 2024.
Batay sa ulat, 95% o 5,299 sa mga bagong kaso ay kalalakihan, habang 5% o 282 ay kababaihan. Ang pinakamaraming kaso ay mula sa edad 25–34 taong gulang, na may average age na 27. Dagdag pa ng DOH, 16% o 895 sa mga pasyente ay nasa advanced stage ng HIV nang sila ay ma-diagnose.
Pagdating sa rehiyon, nangunguna ang National Capital Region (NCR) sa bilang ng mga bagong impeksiyon, kasunod ang CALABARZON, Central Luzon, Central Visayas, at Davao Region. Tinatayang 61% ng kabuuang kaso ay mula sa mga rehiyong ito.
Mariing binigyang-diin ng DOH ang pangangailangan ng mas pinaigting na kampanya laban sa HIV. “Compared to the previous year third quarter average of 50 cases per day, there has been a 22 percent increase with this year’s quarter average of 61 cases per day,” ayon sa ahensya.
Kasabay ng pagdiriwang ng World AIDS Day 2025, inilunsad ng DOH ang libreng HIV testing at treatment services para sa libu-libong indibidwal sa iba’t ibang lugar sa bansa. Layunin nitong mapalakas ang kamalayan at maagapan ang patuloy na pagtaas ng kaso.
Sa kabuuan, nananatiling hamon ang paglaban sa HIV sa Pilipinas, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso. Nanawagan ang DOH sa publiko na magpa-test at huwag matakot sa stigma upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
