COWawa naman! Kalsada sa North Caloocan, nagmistulang grazing area ng mga baka
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-30 18:45:40
OKTUBRE 30, 2025 — Hindi na lang trapik ang problema sa Congressional Road Extension sa Barangay 173. Gabi-gabi, mga ligaw na baka ang gumagala sa kalsada, nagkakalat ng basura, at nagdudulot ng panganib sa mga motorista.
Alas-siyete ng gabi karaniwan lumilitaw ang mga hayop, ayon sa mga empleyado ng mga tindahan sa paligid.
Isang insidente ang nagdulot ng takot sa isang mamimili nang biglang sunggaban siya ng baka habang nasa tabi ng kalsada. Dahil sa suot niyang itim, inakala umano ng hayop na isa siyang garbage bag, dahilan upang ito'y umatake. Walang nasaktan nang malubha, pero nagdulot ito ng pangamba sa mga nakasaksi.
Maliban sa banta sa kaligtasan, inirereklamo rin ng mga nakatira sa paligid ang matapang na amoy ng dumi ng mga baka na naiipon sa kalsada. Ayon sa mga residente, umaalingasaw ito kahit mula sa malayo at nakaaapekto sa kanilang araw-araw na gawain, lalo na sa mga kumakain o naglalakad sa lugar.
Sa isang bakanteng lote malapit sa kalsada, natagpuan ang mga baka nitong Miyerkules. Wala ni isang nagbabantay. Hanggang ngayon, hindi pa rin matukoy kung sino ang may-ari.
Maging ang City Veterinary Office ay walang malinaw na sagot. Pinaniniwalaang taga-North Caloocan o Meycauayan, Bulacan ang may-ari.
Plano ng lokal na pamahalaan na magtayo ng pansamantalang kulungan para sa mga hayop.
“Mag-i-identify kami ng vacant area ... babakuran namin ‘yun and maglalagay kami doon ng tarpaulin as temporary holding facility ng mga baka,” ayon kay city veterinarian Teodoro Rosales.
Babala ni Rosales: may bayad ang pagkuha sa mga baka, at kung hindi ito i-claim, maaaring i-auction ng LGU.
Samantala, naghahanda ang Animal Kingdom Foundation (AKF) ng reklamo laban sa may-ari dahil sa paglabag sa Animal Welfare Act at mga ordinansa.
“They are not supposed to be there to begin with. Kaya may tinatawag tayong traffic and public safety issue,” giit ni Heidi Caguioa, program director ng AKF.
(Larawan: Reddit)
