Diskurso PH
Translate the website into your language:

2 patay, 5 sugatan sa pagsabog ng ilegal na pagawaan ng paputok sa Bulacan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-23 13:45:04 2 patay, 5 sugatan sa pagsabog ng ilegal na pagawaan ng paputok sa Bulacan

OKTUBRE 23, 2025 — Dalawa ang nasawi habang lima ang sugatan sa pagsabog ng isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Barangay Partida, Norzagaray, Bulacan nitong Miyerkules ng umaga.

Isa sa mga nasawi ay si Ivan Bation, 15 anyos, na natutulog sa duyan malapit sa lugar ng insidente. Ayon sa kanyang lolo, si Danny Cañega, hindi na nakatakbo ang binatilyo dahil mahimbing ang tulog.

“Nakatulog sa duyan eh biglang aksidenteng sumabog. Eh, hindi na siya nakatakbo gawa nga na natutulog,” ani Cañega. 

Katatapos lang magbantay ni Ivan sa burol ng kanyang 10-anyos na kapatid na namatay sa sakit. Maging ang kabaong ng kapatid ay nadamay sa pagsabog.

Ang isa pang nasawi ay isang manggagawa sa pagawaan na hindi pa nakikilala ng mga awtoridad.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Norzagaray, posibleng sanhi ng pagsabog ang pulbura at mga nakaimbak na paputok. Kinumpirma rin ng mga bombero na walang kaukulang permit ang naturang pagawaan.

“Base sa aming pag-validate sa mga permit, wala silang permit,” pahayag ni SFO3 Larry Gutierrez, fire arson investigator ng BFP Norzagaray.

Sa lakas ng pagsabog, tinatayang nasa 45 bahay ang nasira. Tumalsik ang mga yero, nabasag ang mga bintana, at nagiba ang mga pader. Isa sa mga sugatan ay si Jennifer Verzo, na tinamaan ng bubong habang nagsasampay ng damit sa labas ng bahay.

“Tumalsik na lang po yung mga yero sa bahay, hanggang sa matamaan kami ng yero,” ani Verzo. 

Limang pamilya na binubuo ng mahigit 30 katao ang pansamantalang inilikas ng barangay. Nagpaabot na ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan gaya ng pagkain at damit.

Ayon sa mga residente, matagal na nilang hinihiling na ilayo ang pagawaan mula sa kabahayan, ngunit hindi sila pinakinggan.

“Hindi naman po kami pinakikinggan. Ilayo-layo sana, nilayo naman bahagya kaso hindi naman kalayuan. Kalapit-lapit din,” ani Cañega. 

Sa CCTV footage mula sa mga bahay at establisyimento, maririnig ang sunod-sunod na pagsabog. Sa isang computer shop, kitang-kita ang pagyanig at pagkabasag ng mga salamin.

“Napakalakas po ng pagsabog dito sa amin. Buti po wala ang mga bata. Basag po talaga ang mga bintana namin at pinto,” ani Mark Lexter Loquinto, residente. 

Ayon sa barangay, hindi nila alam na may gumagawa ng paputok sa lugar. 

“Ngayon ko lang po nakita ‘yang pagawaan na yan. ‘Yun pala meron pala dyan,” ani Alex Socito, Peace and Security Officer ng barangay. 

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang may-ari ng pagawaan, na sinasabing taga-Maynila. Posibleng maharap ito sa kasong multiple homicide, multiple injuries, at damage to properties.

(Larawan: YouTube)