Romulo, sasampahan ng kaso ang Discayas; SALN, bank records handang ilantad
Marijo Farah A. Benítez Ipinost noong 2025-09-11 08:39:33
SETYEMBRE 11, 2025 — Nagbanta si Pasig Representative Roman Romulo na magsasampa ng kaso laban sa mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya matapos siyang idawit sa umano’y anomalya sa mga flood control project ng gobyerno.
Sa panayam ng ANC, iginiit ni Romulo na wala siyang anumang koneksyon sa Discayas at handa siyang ilantad ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) pati na rin ang kanyang bank records.
"I am preparing to file cases against the Discayas. I am also preparing to give my SALN and waive my bank secrecy [rights]," ani Romulo.
(Inihahanda ko nang magsampa ng kaso laban sa Discayas. Inihahanda ko na rin ang aking SALN at ang pag-waive ng karapatan sa bank secrecy.)
Ayon sa mambabatas, hindi siya kailanman nakialam sa bidding ng mga proyekto sa Pasig at hindi rin siya pumili ng mga kontratista. Giit niya, nanalo pa nga sa kontrata ang mga kumpanya ng Discayas kahit pa magkatunggali sila sa pulitika.
"If you really look at it, it is selective for the simple reason na ang minention niya, yung katunggali niya sa politika. Sinasabi rin niya wala kaming ugnayan, wala kaming pag-uusap," dagdag ni Romulo.
(Kung titingnan mo, pumipili lang siya ng babanggain dahil ang binanggit niya ay katunggali niya sa politika. Sinasabi rin niya na wala kaming ugnayan, wala kaming pag-uusap.)
Binatikos din ni Romulo ang umano’y pagbase ng mga paratang sa tsismis at hindi beripikadong pahayag mula sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
"And then based on hearsay, based on a statement of a DPWH official na nakausap niya, isasama niya ako sa affidavit samantalang ang dami niyang ibang proyekto sa buong bansa," aniya.
Binaggit ni Romulo na kumikilos na siya para kumonsulta sa mga abogado ukol sa kasong isasampa.
“I’ll meet with the lawyers soon for their advice on what to file against them,” ani Romulo.
(Makikipagpulong na ako sa mga abogado para sa payo kung anong kaso ang dapat isampa laban sa kanila.)
Dagdag pa niya, bagama’t may mga proyekto siyang inirekomenda para sa national budget, ito ay dumaan sa tamang proseso at batay sa pangangailangan ng mga paaralan at komunidad.
“I recommend projects, but not all of my recommendations get funded under the national budget. And that is a fact. Insertion has gotten such a bad name," paliwanag niya.
(Nagbibigay ako ng rekomendasyon sa mga proyekto, pero hindi lahat ay napopondohan sa national budget. Iyan ang katotohanan. Masama na ang tingin sa insertion.)
Samantala, naglabas ng babala si Pasig Mayor Vico Sotto sa publiko ukol sa Discayas. Sa isang Facebook post, sinabi niyang “capable of lying” ang mag-asawa, batay sa mga pahayag ng mga ito noong kampanya.
Sa gitna ng kontrobersiya, nanindigan si Romulo na ang paglalantad ng kanyang SALN at bank records ang pinakamabisang paraan para patunayan ang kanyang integridad.
(Larawan: Roman Romulo | Facebook)