Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Magkapatid, kabilang ang isang buntis; patay sa pamamaril sa Quezon City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-11 22:36:42 Magkapatid, kabilang ang isang buntis; patay sa pamamaril sa Quezon City

QUEZON CITY Trahedya ang sumalubong sa isang pamilya sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City matapos barilin at mapatay ang magkapatid na babae, kabilang ang isang buntis, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Angela Padilla, 36 anyos at apat na buwang buntis, at ang kanyang kapatid na si Jennifer Garcia, 34. Ayon sa imbestigasyon, si Angela ay natagpuan malapit sa pintuan ng bahay, habang si Jennifer naman ay nakahandusay sa loob ng isang kuwarto. Kapwa sila nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sugatan din ang kanilang kaibigan na 33 anyos, matapos tamaan sa balikat at binti. Agad siyang isinugod sa ospital at kasalukuyang nagpapagaling.

Base sa ulat, nag-uusap ang tatlong babae nang dumating ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo. Kapwa naka-helmet at nakasuot ng jacket ang mga salarin nang pumasok sa bahay at agad na nagpaputok. Nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng anim na basyo ng bala mula sa 9mm at .45 caliber na baril.

Ayon sa ama ng mga biktima, nakatanggap umano ng death threats si Jennifer at ang kanilang kaibigan ilang araw bago ang pamamaril. Binantaan pa raw ito na tatapusin sa loob ng tatlong araw. Pinayuhan niya ang anak na lisanin muna ang lugar, ngunit hindi nito naisalba ang kanilang buhay.

Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya, lalo na’t naiwan ni Angela ang kanyang dalawang anak. Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang Quezon City Police District (QCPD) at kasalukuyang sinusuri ang CCTV footage sa lugar upang matunton ang mga suspek.

(Imagen: Google)