Sofia Pablo, bagong housemate ni Kuya sa PBB Collab 2.0 — pero hindi lahat natuwa
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-23 21:59:31
Oktubre 23, 2025 – Hindi ikinatuwa ng ilang netizens ang pagkakabilang ng Sparkle GMA Artist Center star na si Sofia Pablo sa listahan ng mga bagong housemates ng nalalapit na Pinoy Big Brother (PBB) Collab 2.0.
Kahapon, inanunsyo sa social media ng PBB ang pagkakapili kay Sofia bilang isa sa mga opisyal na kalahok ng bagong season, na magsasama ng mga personalidad mula sa iba’t ibang TV networks. Subalit imbes na purong excitement, may ilan sa mga netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya.
Sa comment section ng naturang post, ilang netizens ang nagbalik-tanaw sa mga kontrobersiyang minsan nang kinasangkutan ng young actress — kabilang ang kanyang naging komento noon kay AZ Martinez, na naging mainit na usapin sa social media.
Bagama’t hindi na muling nagsalita si Sofia hinggil sa naturang isyu, muling nabuhay ang mga lumang screenshots at video clips na nagpapakita ng naging palitan ng pahayag sa pagitan ng dalawang personalidad.
Samantala, may mga tagasuporta naman ni Sofia na ipinagtanggol ang aktres at hinimok ang publiko na bigyan siya ng pagkakataon na ipakita ang kanyang tunay na ugali sa loob ng bahay ni Kuya.
Ang PBB Collab 2.0 ay inaasahang maglalaman ng mga bagong twist at tasks na magpapakita ng pagsasanib-pwersa ng mga artista mula sa ABS-CBN at GMA networks.
Hindi pa inilalabas ng PBB management ang kabuuang listahan ng mga housemates, ngunit ayon sa mga tagahanga, mas magiging makulay at kontrobersyal ang season na ito dahil sa mga personalidad na kabilang sa lineup.
Larawan mula sa Abs Cbn
