Discurso de PH
Traduce el sitio web a tu idioma:

Zsa Zsa Padilla, personal na naghatid ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Cebu

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-01 22:58:09 Zsa Zsa Padilla, personal na naghatid ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Cebu

CEBU Personal na nagtungo sa Cebu ang beteranang aktres at tinaguriang Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla upang mag-abot ng tulong sa mga biktima ng malakas na lindol na tumama sa Bogo City noong Martes ng gabi, Setyembre 30.

Sa opisyal na Facebook page ng Lalawigan ng Cebu, kinumpirma nitong Miyerkules, Oktubre 1, ang pagbisita ng aktres sa Cebu Provincial Capitol, kung saan nagdala siya ng mga ready-to-eat food packs at cash assistance para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang ginawa ni Padilla ay malinaw na pagpapakita ng pakikiisa at malasakit sa mga Cebuano sa panahong mahirap.

Bukod sa personal na pamimigay ng tulong, ginamit din ng aktres ang kanyang social media accounts upang manawagan sa publiko na makiisa sa pagtulong sa mga nasalanta. Sa kanyang mga post sa Instagram, hinimok niya ang kanyang mga tagasuporta at kapwa artista na magbukas ng puso at tumulong sa anumang paraan.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumama ang lindol alas-9:59 ng gabi na may unang magnitude na 6.7, ngunit kalaunan ay itinaas sa 6.9. Natukoy ang epicenter sa 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City sa lalim na 10 kilometro.

Naitala ang pagyanig sa Intensity VI sa Cebu City at Villaba, Leyte, habang naramdaman din ito sa Northern Samar at iba pang karatig-probinsya. Dahil sa pinsala, idineklara ang Bogo City sa ilalim ng state of calamity, at kasalukuyang nagpapatuloy ang malawakang relief operations ng mga lokal na opisyal, volunteers, at iba’t ibang grupo.

Ang hakbang ni Padilla ay umani ng papuri mula sa mga netizens at residente, na nagsabing malaking bagay ang kanyang malasakit sa gitna ng krisis. (Larawan: Cebu Province / Facebook)