Alam mo ba? Ang regular na pag-idlip sa araw ay nakakapagpabagal sa pagtanda ng utak hanggang 6.5 taon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 01:18:11
MANILA — Isang bagong pag-aaral ang nagbigay-diin sa nakakagulat na benepisyo ng regular na daytime naps o pag-idlip sa hapon: maaari nitong pabagalin ang pagtanda ng utak ng hanggang 6.5 taon.
Sa isinagawang pananaliksik, sinuri ng mga eksperto ang datos mula sa libu-libong matatanda upang alamin ang kaugnayan ng pag-idlip at kalusugan ng utak. Gamit ang advanced brain imaging, kanilang tinukoy ang brain volume—isang mahalagang palatandaan ng pagtanda. Lumabas na ang mga taong regular na nag-iidlip nang maikli ay may mas malaking brain volume kumpara sa mga hindi nag-iidlip.
Ayon sa mga siyentipiko, mahalaga ang brain volume dahil habang tumatanda ang tao, natural na lumiit ang utak, na nagdudulot ng pagkahina ng memorya, mabagal na pagproseso ng impormasyon, at mas mataas na panganib ng dementia. Ipinapahiwatig ng pag-aaral na ang simpleng pag-idlip ay maaaring magsilbing proteksiyon laban sa maagang pagtanda ng utak.
Gayunpaman, binigyang-diin ng mga sleep specialist na hindi lahat ng idlip ay kapaki-pakinabang. Ang 20–40 minutong idlip sa maagang hapon ang itinuturing na pinakamainam, dahil mas mahaba pa rito ay maaaring magdulot ng antok o makaistorbo sa tulog sa gabi.
Sa mas malawak na pananaw, idinagdag ng mga eksperto na ang pagtulog ay isang modifiable lifestyle factor, kasabay ng tamang pagkain at ehersisyo, na makatutulong upang maiwasan ang mga sakit na may kinalaman sa pagtanda.
Ang simpleng ugali ng pag-idlip, kung gagawin nang tama at regular, ay maaaring maging epektibong paraan upang mapanatili ang kalusugan ng utak at maiwasan ang mabilis na pagtanda ng kognitibong kakayahan. (Larawan: Google)