Tapang ni Liza Soberano sa pagbabahagi ng pang-aabuso, hinangaan ng CWC
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-19 20:58:01
Manila — Nagbigay ng babala ang Council for the Welfare of Children (CWC) kaugnay sa pagtaas ng kaso ng pang-aabuso sa bata matapos ibahagi ng aktres na si Liza Soberano ang kaniyang karanasan sa pambata niyang panahon.
Sa isang video na inilathala sa YouTube channel na “Can I Come In,” ibinahagi ni Soberano ang kaniyang karanasan ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso, na may kaugnayan sa suliranin ng kaniyang mga magulang sa paggamit ng droga. Ayon sa aktres, naapektuhan ang kaniyang pagkabata dahil sa hindi matatag na kapaligiran sa tahanan.
Pinuri ng CWC ang tapang ni Soberano sa pagbabahagi ng kaniyang kwento at binigyang-diin na walang bata ang dapat makaranas ng pisikal, emosyonal, o sikolohikal na pinsala mula sa kaniyang mga magulang o tagapag-alaga. Binigyang diin din ng konseho ang kahalagahan ng mas matibay na mekanismo para maprotektahan ang mga bata at masiguro ang kanilang lumaki sa ligtas at maasikasong kapaligiran.
Ayon sa CWC, ang trauma sa pagkabata dulot ng pang-aabuso o kapabayaan ay maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan ng isip at pangkalahatang pag-unlad ng bata. Binanggit din ng konseho ang kahalagahan ng maagang interbensyon, psychosocial support, at ang pagsasangkot ng mga bata sa mga desisyon na may epekto sa kanilang kapakanan.
Pinayuhan din ng CWC ang publiko na maging mapagmatyag sa mga senyales ng pang-aabuso at kapabayaan sa bata at ipinaalala ang MAKABATA Helpline 1383, na bukas 24/7 para sa mga kaso ng pang-aabuso, diskriminasyon, o kapabayaan sa bata.